Unang Yugto

Art: Hannerrrdoodles

[2018]

 

Nung isang araw na naisipan kong maglinis, nahukay ko sa baul ang diary ko. Joke lang, wala naman talaga akong baul. Pero may diary ako. Naalala ko, binigay yun sakin ni daddy nung bata pa ‘ko. Iba’t iba ang kulay ng mga pahina nung diary at mabango pa nga yun nun, eh. Alam mo yung mga scented na papel na usong uso dati, diba? Nailalock din yun at kulay pink ang cover ng diary. Wala na sa perpekto kundisyon yung diary ngayon, pero mababasa padin yung mga nakasulat.

 

So syempre, binasa ko, diba? Nasakin na din lang naman, bakit hindi ko pa basahin at balikan yung mga nangyari nung bata pa ko, diba?

 

Nakakatawa yung mga nakasulat. Cursive pa ‘kong magsulat nun at diyos ko, mukang bulate ang sulat ko sa laki! Iba pala talaga kapag bata ka pa no? Kung ano – anong klase ng kalokohan at kainosentahan ang mga pinagsusulat ko. Pinangalanan ko nga din yung diary ko, eh! Nung una, Diary lang. Tapos naging Apple. Hanggang sa naging Emilia! Anak ng tokwa, ang weird ko pala talaga nung bata ako, no? Kung makapagsulat ako sa diary ko, para ‘kong may kinakausap na bata. Oh, wag kang magjudge. Malamang, ginawa mo din yang mga bagay na yan.

 

Hay, ang sarap bumalik sa pagkabata.

 

St. Agatha ang section ko nung grade 4 tayo. Ikaw? Hindi ko na matandaan kung anong pangalan nung section nyo, pero hagdanan lang ang nagseseparate sa mga sections natin. Actually, yung section nyo nga lang ata ang nakahiwalay sa lahat ng mga grade 4, eh. Nasa right side kasi kaming lahat, samantalang yung section nyo, nasa kanan at katabi ng mga grade 5.

 

Kawawa naman kayo. 😛

 

Itinuloy ko ang pagbabasa. Ah, and I stand corrected. Hindi pala 1997 yung taon nung grade 4 tayo. 1999 pala yon. At habang nagbabasa ako kanina, nagulat ako sa mga sikretong nakasulat sa diary ko.

 


[1999]

(9)

 

“Aray!! Aray!! Diane, ang sakit!” sigaw ng katabi kong lalaki habang sinasabunutan ko sya. Napatingin ang lahat ng kaklase namin samin. Ako naman, patuloy padin sa pagsabunot sa kanya.

 

“Bawiin mo yung sinabi mo! Hindi ako lalaki, ah! Babae ako!”

 

“O – oo na, oo na! Babae ka na! Babaeng – babae ka na!!!”

 

Binitawan ko ang ulo nya at tinigilan ang pagsabunot kasabay ng isang malakas na “hmph!”. Narinig ko syang nagsabi ng aray habang chinecheck ang buhok nya. Ang loko – lokong ‘to; sabihan ba naman akong tomboy? Sinabunutan ko nga.

 

“Ayiee! Nagsimula na naman si Diane at si Nel!” narinig kong tukso ng isa naming kaklase. At dahil nagsimulang manukso ang isa, sumunod naman ang iba pa at nagtawanan. Lumapit pa nga ang iba samin para tuksuhin kami sa malapitan, eh.

 

“Kayo talagang dalawa! Baka kayo ang magkatuluyan nyan paglaki natin!” pagtatapos ng isa pa.

 

“Tumigil nga kayo!” saway ni Nel, yung katabi ko. “May ibang gusto si Diane!”

 

Totoo naman yun. Nung mga panahon na yun, crush ko pa si Mark, yung dati kong kaklase sa Wesleyan. Kaya lang, lumipat ako sa school nyo at dahil mga bata pa tayo nun, nawalan ako ng communication sa kanya. Oha, iba din tayo nun, no? Mga bata palang, may crush crush na.

 

Sa buong school year nung grade 4 tayo, lagi kong nakakatabi sa seating arrangement si Nel. Syempre, kilalang – kilala mo si Nel, diba? Mahilig syang mangasar, oo, pero mabait syang bata. Hindi sya tulad nung ibang mga bata na sobra kung mangasar. Lagi din nya ‘kong binibigyan ng candy. Nung mga panahon na yun, isa si Nel sa mga naging una kong kaibigan.

 

At dahil lagi kaming inaasar at tinutukso ng mga kaklase namin, hindi narin naging imposible sakin ang magkacrush sa kanya. Slight lang, ah, pero crush padin.

 

Ikaw kaya? Sino kaya ang mga naging crush mo nung grade 4 tayo?


[ 2000 ]

(10)

 

Grade 5 tayo nito. At sa taon na ‘to, dito tayo unang naging magkaklase.

 

“Diane!! Tara, laro tayo ng 10 – 20!” aya ng isa kong kaklase na si Ana. Lumapit sya sa upuan ko at hinawakan ang kamay ko.

 

Pagkaoras kasi ng recess, naglalaro talaga kami ng mga garter games. Madalas 10-20 kasi mas masayang laruin.

 

“Teka, Ana. Sino – sino ang mga kasali?”

 

“Sina Liza, Norina, ako at iba pa!” Masaya nyang sagot sakin. Nakita ko sa mga mata nya ang excitement.

 

Syempre, excited din ako at ganadong ganadong maglaro. Favorite ko kaya ang mga garter games, eh. 10-20, chinese garter, jumping rope… you name it. Aba, hindi mo naitatanong pero medyo athletic ako nung kabataan ko no.

 

“Andito na kami ni Diane!” sabi ni Ana pagkalapit namin sa nagkukumpulang grupo ng mga kababaihan na maglalaro ng 10-20. “Paano ang kampihan? Gusto ko kakampi ko si Diane!”

 

“Ang daya naman nun!” Tutol ni Norina. “Hindi pwedeng mamili si Diane ng mga kakampi no!”

 

Ah, hindi mo naitatanong, pero isa ko sa mga pinakamagaling maglaro ng 10-20 nun. Hindi sa pagmamayabang, pero kahit maliit ako, mataas akong tumalon at laging lugi ang kalabang team namin. Kaya nga ako din ang laging nanay sa team ko. Mother saves all, diba? Kapag naout ang mga kateam mates ko, kailangan ko silang itira para mabuhay sila.

 

“Maiba nalang. Kung sino ang mga magkakaparehas, sila ang magkakateam,” pagmumungkahi ko sa kanila.

 

Sumangayon naman silang lahat. Hanggang sa may sumali pang ibang mga batang babae at ayun, hindi na even ang bilang ng mga players. Sa 10-20 kasi, kailangan even ang numbers ng mga players, diba? At dahil hindi na even ang bilang ng mga kasali, napagpasyahan ng lahat na gawin nalang akong angel. Yun yung tawag namin sa mga hindi kasali sa team, pero kasali sa laro. Okay naman sa lahat ang gawin akong angel kasi nga, lugi daw sila kapag kasali ako sa ibang team. Naging saling ketket tuloy ako.

 

Bago tumira ang bawat team, angel muna lagi ang unang titira, regardless of kaninong team ang mauuna. So ako, nagready na kong tumalon. Favorite ko nga kasing laro, diba?

 

Magsisimula na sana kami sa laro, ng bigla ka namang umepal.

 

“Teka, sandali! Pasali din ako!”

 

Lahat kami, napatingin sayo habang nagmamadali kang lumapit samin at nakangisi ka pa. Magkaklase tayo, oo, pero hindi tayo close. Ni hindi nga tayo naguusap, eh. Nung mga panahon na yun, naalala ko na hindi kita gusto.. Hindi kita feel. Merong kakaiba sayo na ayaw ko. Kaya hindi kita kinakausap o pinapansin nun.

 

“Ikaw, Kenneth? Sasali ka?” tanong nila Liza.

 

“Oo naman. Bakit, hindi ba pwedeng maglaro ng 10-20 ang lalaki?” nakakalokang sagot mo.

 

Ah, Kenneth Dela Cruz. Ano kayang pumasok sa isip mo nun at naisipan mong makipaglaro saming mga babae?

 

“Kung angel si Diane, ako ang devil,” masayang sagot mo, sabay tingin sakin ng nakangiti. Napangisi nalang ako.

 

Yun ang unang beses na nagusap tayong dalawa. Well, hindi naman talaga tayo nagusap kasi nga, iniiwasan kita, diba? Nagkalaro tayo sa 10-20 nun, at naalala ko pa na naasar ako sayo nun dahil sinasabayan mo ‘ko sa pagtalon ko. Tuwang – tuwa ka pa nga, eh! Para kang nagpapansin na ewan.

 

“Diane,” bungad mo sakin habang naglalaro tayo at sinasabayan mo ko sa pagtalon. “Bakit lagi mong kinakagat ang labi mo?”

 

Oo, mannerism ko yun nung bata ako. Hindi ko alam kung bakit ko ginagawa yon, though. Mannerism nga, diba?

 

Pero syempre, hindi parin kita pinansin. Ayoko nga sayo, diba? Kahit na sinubukan mo kong kausapin nung mga araw na yun, hindi padin kita pinansin. Marami na din kasi akong balitang narinig nun na masyado kang close sa mga babae. Hah! Mga bata palang tayo, playboy ka na. Tama, yun nga siguro ang dahilan kung bakit ayoko sayo nun. Not that I liked you at that time, per se. Hindi ko lang talaga gusto ang aura mo.

 

At alam mo ba kung ano pang mas kinaasaran ko sayo nung araw na yon?

 

Kinagat mo ang labi mo sa harap ko, animal ka! Nagkaklase tayo nun, eh (hindi ko alam kung anong subject), pero nagsusulat ako nun ng story. Napatingin lang ako sayo (sa likod ka kasi nakaupo nung mga panahon na yun) at ginawa mo yun. Ah, imagine the horror I felt that day. Actually, hindi naman dapat magiging big deal sakin yung pagkagat mo ng labi, eh. Alam mo kung bakit naging big deal yun? A wise boy (insert sarcasm here) once told me:

 

“Diane, alam mo ba na ang ibig sabihin pag kinagat mo ang labi mo sa harap ng isang tao, ibig sabihin, gusto mo sila?”

 

Napanganga nalang siguro ako nun.

 

Ang dami mo talagang alam.

– Kismet: Unang Yugto –

Itutuloy...



About Me

Confused writer wanna-be. Struggling to find her North Star. Weird. Dorky. Anime fanatic and casual gamer.

%d bloggers like this: