Ang daming love story sa mundong ‘to.
Pero masasabi ko na kakaiba ang storya natin.
Well, lahat naman ng love story, eh, kakaiba. Sabi nga nila, “there is no same love twice”. Bawat tao, iba ang naeexperience na love story. Kaya lang siguro nila nasasabi na parang parehas sa iba, kasi nakacategorize na sya. Dipende siguro sa klase ng personality ng tao, o dahil sa simula o sa ending ng storya nila.
Ang dami kong sinasabi. Hindi naman ako speaker.
Ang dami ko ng naisulat na love story.
Pero ngayon ko lang naisipang isulat ang tungkol satin.
Ang daming nagtatanong kung paano daw tayo nagsimula. Kung sabagay. Hindi ko nga din ineexpect na tayong dalawa pala ang magkakatuluyan sa huli. Ayan, ah. Alam na nila kung anong ending natin. Interesado daw silang malaman ang storya in between. Lagi ko kasing sinasabi na 10 years in the making ang love story natin, eh. Sige, pagbigyan. Hindi nila alam kung paano o saan tayo nagsimula.
So ngayon, napaisip ako.
Paano nga ba nagsimula ang storya natin?
1997 (siguro…)
“O, nak. Ito na pala ang classroom mo, eh,” narinig kong sinabi ni mommy habang binabasa nya ang roster na nakapaskil sa labas ng classroom. “Nandito ang pangalan mo, oh. Diane Lynn Fuentebella.”
Naalala ko nun, tinignan ko si mommy at pinilit kong ngumiti, kahit na kabadong – kabado ako. First day kasi yun ng school nung grade 4 tayo. Lagi naman akong kinakabahan sa tuwing first day ng school, pero iba yung time na yun. Transfer student kasi ako nun sa school nyo dahil lumipat kami sa bagong bahay namin sa may Pamcor. Bagong school, malayo sa mga kaibigan at kaklase ko sa Wesleyan.
“Bakit may Lynn?” tanong ni mommy.
Napaisip din ako dun. Diane L Fuentebella ang buong pangalan ko, eh.
“Baka nagkamali lang sila,” pagtatapos ni mommy.
“Mommy…” mahina kong tawag sa kanya sabay hawak ng mahigpit sa kamay nya. Mas lalo akong kinabahan nun dahil sa sinabi nya. Paano kung hindi ako yun, diba? Paano kung ibang tao pala yun? Pero what are the chances na meron akong kapangalan sa school na yun?
Tumingin sya sakin at hinintay ang mga susunod kong sasabihin. Tumingin ako sa paligid namin, sa mga batang masayang nakikipagusap sa mga kaibigan nila, bago ibinaling ang aking atensyon sa magiging classroom ko.
Napayuko ako.
“Bakit? May problema ba?”
“Ako lang ang naiiba sa kanila…” sagot ko sa kanya. Paano ako naging iba? Lahat sila, nakauniporme ang suot. Samantalang ako, nakacivilian. Nakakahiya diba? Lalo na nun, bata pa lang ako. 8 o 9 years old palang ata ako nun, eh.
Hindi ko na alam kung anong nangyari sa usapan namin ni mommy nun. Ang natatandaan ko nalang, eh, tumunog ang school bell at nagsipaktakbuhan na ang mga bata pabalik sa classrooms nila. Narinig ko din na tinawag na ng teacher ang mga estudyante nila. Ako naman, pinapasok na ni mommy sa classroom pagkatapos halikan sa pisngi. Pumasok ako sa classroom kahit na hiyang hiya ako. Big deal na para sakin ang maging nagiisang nakacivilian sa school. I guess bata palang ako, mahiyain na ‘ko.
Hindi ko narin matandaan kung ano pa ang mga nangyari nung araw na yun. Basta ang natatandaan ko nalang, may dumating na isa pang teacher mula sa kabilang section at hinahanap ang isang estudyante nyang nawawala. At syempre, ako yun. Dagdag kahihiyan na naman, diba? Imaginin mo, sa unang araw mo sa bago mong nilipatan na school eh hinanap ka pa ng teacher mo dahil mali ang pinuntahan mong classroom. Paano nga bang nagkamali si mommy sa classroom na pinaghatidan nya sakin?
Hindi lang ako ang nagiisang Diane Fuentebella sa school na yun. Meron pa palang “Diane Lynn Fuentebella.”
Kaya siguro wala na akong masyadong maalala tungkol sa araw na yun. Sa sobrang daming nakakahiyang nangyari, pinilit na lang ng utak ko na kalimutan ang lahat ng yon. Pero dahil sa kagustuhan kong kalimutan ang mga yun, mas lalo pang tumatak sa isip ko. Ang weird no? Naalala ko din nun, magisa akong kumain sa canteen. Walang kausap, walang kasama o kaibigan, sa gitna ng maraming mga bata na masayang kumakain kasama ang mga kaibigan nila.
Napanis siguro ang laway ko nun nung araw na yun.
Ang hindi ko lang alam eh, nung mga panahon pala na yun, napansin mo na pala ‘ko. Hindi kita kilala nung mga panahon na yon. Ni hindi ko nga alam kung anong itsura mo nun, eh. Nung sinabi mo sakin na napansin mo na ‘ko agad nun nung araw na yun, nagulat ako at di makapaniwala. Di ko kasi akalain na makukuha ko pala ang atensyon mo nun. Ano kayang iniisip mo nung mga oras na yun?
Siguro…. –
“Bakit kaya nakacivilian ‘tong batang ‘to?”
Pero kahit ano pa mang nasa isip mo nung mga araw na yun… the fact na napansin mo ‘ko nung mga panahon na yun, kinikilig ako. Imagine? Bata palang pala tayo, nakilala na natin ang nakatadhana para satin. Ang sarap isipin na siguro nung mga panahon na yun, parang tumigil ang buong mundo kahit split second lang at may spotlight na nakatutok sating dalawa. Parang yung sa mga anime o telenobela na napapanood natin!
At dahil sa pagkakataon na yon, narealize ko na posible pala talagang makilala mo ang taong para sayo, regardless of time or age or any other factors.
Although hindi ko padin alam ang tungkol sa existence mo nun….
– Kismet: Simula –