Ikaapat na Yugto

A/N: Please like, subscribe and comment kung nagustuhan mo ang episode na ‘to. 🙂


 

[ 2001 ]

(11)



“Pustahan… p – pinagpustahan… nyo lang ako?” naluluhang tanong nya sa binatang nasa harap nya. Pinipigilan nya ang nagbabadyang pagpatak ng mga luha mula sa kanyang mga mata at pilit na itinatago ang sakit na nararamdaman.

 

 

“Hindi. Hindi totoo ang mga narinig mo, babe…” sagot ng binata.

 

 

Subalit isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang kanang pisngi. Napangisi sa sakit ang binata ngunit sinubukan nya itong wag idyahin. Alam naman nya sa sarili nya na nararapat lang yon sa kanya, pagkatapos ng lahat ng ginawa nya.

 

 

“Wag mo ‘kong matawag – tawag na babe! Niloko mo ko!” galit na sumbat ng dalaga sa kanya kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. “Pinaniwala mo ‘kong mahal mo ko pero pinagpustahan nyo lang pala ako!”

 

 

“Babe, hindi totoo yan. Hindi totoo yan! Hayaan mo ‘kong magpaliwana—”

 

~~~

 

 

“At ano ang ipapaliwanag mo, Fuentebella?”

 

 

Nagising ang diwa ko ng marinig ko ang boses ng Math teacher namin na si Mrs. Sicat. Napansin ko syang nakatingin sakin, magkasalubong ang mga kilay, at tila naghihintay ng sagot mula sakin. Dun ko nadin napansin na hindi lang pala si Mrs. Sicat ang nakatingin sakin, kundi ang lahat ng mga kaklase ko.

 

 

‘Diane, nagsasalita ka ng magisa…’ Narinig kong bulong ng katabi kong kaklase. ‘Kanina pa kitang sinisiko kasi kanina ka pa nya tinitignan.’

 

 

Nagsasalita ako ng magisa? Napatingin ako sa lamesa ko at nakita ko ang notebook na pinagsusulatan ko ng bagong sulat ko na storya. Napangisi ako sa sarili ko. Patay na… nadala yata ako ng sobra sa sinusulat ko at di ko na namalayan na dinadub ko na pala ang mga linyang sinusulat ko. O espiritu ng pagsusulat, bakit mo ‘ko ipinagkanulo?

 

 

Hindi ko na nagawang itago ang notebook ko sa ilalim ng Math book ko ng mabilis na lumapit sa upuan ko si Mrs. Sicat. Kapag nagsusulat kasi ako habang nagkaklase, laging nakaibabaw ang libro ko para hindi nila mapansin na may ginagawa akong iba at hindi naman talaga ako nagsusulat ng notes. Pero nung mga oras na yon? Alam kong lagot na ko.

 

 

Napalunok nalang ako.

 

 

Kinuha ni Mrs. Sicat ang notebook ko at binasa. Alam kong binabasa nya kung anong sinulat ko; nakita ko ang paggalaw ng mga mata nya, eh. Tinignan ko yung katabi ko. Yung tingin na nagtatanong kung bakit di nya ko sinabahan agad. Sumagot naman sya sa titig nya na kasalanan ko ang nangyari. Nagsasagutan nga kami sa mga tingin namin, eh. Pinandidilatan ko sya nun, pero alam ko naman talaga sa sarili ko na kasalanan ko. Hindi naman kasi dapat ako nagsusulat sa oras ng klase. Pero anong magagawa ko? Kapag ginanahan akong magsulat, nagsusulat talaga ‘ko. Sayang kaya ang ideas!

 

 

“Pustahan, huh?” Sambit ni Mrs. Sicat at pagkatapos ay sinarado nya ang notebook ko. Tumingin sya sakin at napatingala nalang ako sa kanya na may kaba. “Kung inaatupag nya ang pagaaral nya, hindi mangyayari sa kanya yon. Parang ikaw, Fuentebella.”

 

 

“P – Pasensya na po… Mrs. Sicat.”

 

 

“Ayokong makita ang notebook na ‘to sa klase ko, Fuentebella. Sa susunod na makita ko ‘to, itatapon ko ‘to sa bintana.”

 

 

“O – opo.”

 

 

Ah… ang sungit talaga ni Mrs. Sicat.

 

 

~~~

 

 

Recess…

 

 

“Pustahan?!”

 

 

“Sshh, Candy! Wag kang maingay!” suway ko kay Candy.

 

 

Kasalukuyan kaming kumakain sa canteen at ipinabasa ko sa kanya yung notebook na pinagsulatan ko ng storya kanina. Yung storya na dahilan para mapagalitan ako ni Mrs. Sicat kanina. Hindi ba ko naapektuhan sa nangyari kanina sa Math class? Syempre apektado ako no. Nakakahiya kaya yung nangyari. Muntik na nga akong umiyak kanina sa klase, eh. Iyakin kasi ako at sensitive masyado. Kasalanan ko din naman kasi yun; hindi dapat ako nagsusulat sa oras ng klase. Pero hindi ko kasi mapigilang hindi magsulat. Parte ng buhay ko ang pagsusulat!

 

 

“Pinagpustahan ni Dennis at mga kaibigan nya si Alex?” tanong ni Candy sakin. “Ang sakit naman nun, Diane!”

 

 

Teenage Life.

 

Yan ang title ng story na sinusulat ko ngayon. Ang corny ba? Wala pa ‘kong maisip na mas maganda at matinong title, eh. Dalawang linggo ko nading sinusulat yung storya na yan. Ang mga bida eh sina Alex, short for Alexandra, at si Dennis. Si Alex, boyish kaya napagkakamalang tomboy, tapos si Dennis, kilala sa school. At dahil boyish si Alex, madalas nyang nakakaaway yung mga kaibigan ni Dennis. Para makaganti, naisipan ng mga kaibigan ni Dennis na paiibigin nila si Alex kay Dennis. At oras na magkagusto na si Alex kay Dennis, saka sya makikipaghiwalay para masaktan si Alex. Pero ang twist, nagkagusto nadin si Dennis kay Alex, pero nalaman ni Alex na parte lang yun nung plano ng mga kaaway nya para maghiganti sa kanya. Cliché? Eh, cliché naman lahat ng story, eh. Nasa paraan lang naman yan ng pagsusulat at kung paano ikekwento ng writer ang storya.

 

 

“Ganun talaga, Candy. Para may thrill.”

 

 

“Saan mo naman napulot ang ideya na ‘to?”

 

 

“Ah… y – yon? Eh kase…”

 

 

Saan ko nga ba nakuha ang idea na yan? Hindi naman ganyan ang storya ng mga telenobelang Sana ay Ikaw na Nga o Mula sa Puso. Ginaya ko ba ang storya ng iba? Wala pa naman akong nababasang ganong storya, pero alam ko na hindi lang ako ang nakaisip o makakaisip ng ganyan. Bigla ko nalang naisip ang ganyang ideya simula nung…

 

 

“Diane?”

 

 

… Simula nung araw na nadismaya ako kay Kenneth.

 

 

“Diane? Hui.”

 

 

Bakit ba ‘ko nadismaya nung araw na yun? Wala namang ginawa si Kenneth nun. Natural lang naman din naman yun. Hindi naman kami magkaibigan ni Kenneth. At asar nga ako sa mga kaibigan nya. Ano bang inexpect ko nun? Na magiging mabait sya sakin? Magkaklase kame nung grade 5, pero hindi ko naman sya tinuturing na kaibigan. Magkakilala lang kami — schoolmate, ganun. Kung mabait sya sakin, edi okay. Kung hindi naman, edi okay lang din. Ganon naman talaga dapat, diba?

 

 

Ano bang inexpect ko non?

 

 

“Diane, may tanong ako,” sabi ni Candy. Napatingin nalang ako sa kanya. “Crush mo ba si Kenneth?”

 

 

Crush.

 

 

Crush..

 

 

Crush…

 

 

“HA?!” Napanganga ako sa tanong ni Candy.

 

 

Ano daw?! Crush?! Ako?! Kay Kenneth?! Imposible!

 

 

“Candy?! B – Bakit?! P – Pano mo naman nasabi yan?!” naguguluhan kong tanong kay Candy. Bakit nya naisip yon? Pano? Imposibleng crush ko si Kenneth. Feeling close yun sa mga babae, eh! Ah, babaero! Oo, babaero ang tawag dun, diba?! Babaero si Kenneth kaya imposibleng magkacrush ako sa kanya!

 

 

“Naiimagine ko si Alex sayo.”

 

 

“Ha? Candy, masungit lang ako, pero hindi ako boyish no,” sagot ko sa kanya. Totoo naman, eh. Mahilig kaya akong magsuot ng mga bistida, kumpara kay Alex na puro panlalaki ang damit. Pero teka… bakit ko kinukumpara ang sarili ko sa karakter na sinulat ko?!

 

 

“Oh, wag ka ng magdeny. Basang – basa na kita, Diane.”

 

 

Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi ni Candy. Naimpacho ba sya? May gayuma ba ‘tong iniinom naming Zest-o?

 

 

“Yung dalawang kaibigan ni Dennis sa storya, binase mo sila kina Chester at Michael. Lagi ka kasi nilang inaasar. Tapos si Dennis. Gusto mo pa ba talagang isa – isahin ko ang rason kung bakit?” At sabay pumamewang.

 

 

Natameme tuloy ako.

 

 

“Best friend kita, no. Alam na alam ko yang mga ganyang kilos mo. Lagi kang may pinagbabasehang tao sa lahat ng storya na sinusulat mo.”

 

 

Ah, wala talaga akong kawala kay Candy. Kilala na talaga nya ang buong pagkatao ko. Pero… Crush ko nga ba si Kenneth? Paano? Teka, teka. Para ko naring inaamin na may gusto nga ‘ko sa kanya nito, ah!

 

 

“Yung character mong Dennis. Si Kenneth ang pinagbasehan mo sa kanya, diba?” Pagpapatuloy ni Candy at may bahid ng paguudyok. At sa itsura nya, alam kong hindi nya ko titigilan hangga’t hindi ko sya sinasagot. “Obvious na obvious, Diane,” sabay tawa nya.

 

 

“H – ha?”

 

 

“Kahit kanino mo ipabasa ‘to, malalaman at malalaman nila na si Kenneth ang pinagbasehan mo dito.”

 

 

“Ui, hindi, ah. Bakit, si Kenneth lang ba ang ganyan di…”

 

 

“Dennis ang second name ni Kenneth.”

 

 

Ha? Ano daw? Dennis? Second name ni Kenneth?

 

 

“Kenneth Dennis Dela Cruz. Yun ang buong pangalan nya. Magkaklase kami nung grade 3.”

 

 

Napanganga ulit ako sa sinabi ni Candy.

 

 

Kenneth Dennis Dela Cruz.

 

 

May second name sya? Bakit hindi ko alam yun? Naging magkaklase din naman kami, pero hindi ko alam na may natatanggi pala syang pangalan! May nalaman na naman akong bago tungkol kay Kenneth!

 

 

Teka, bakit ang saya ko pa?! Ano ngayon kung may Dennis din pala si Kenneth sa pangalan?! Nagkataon lang na gusto ko yung pangalang Dennis.

 

 

“Hindi sya yan, ah. Crush ko kaya si Dennis sa Ghost Fighter kaya Dennis ang pinangalan ko.”

 

 

Natawa naman si Candy. Bakit sya natawa? Ano bang nakakatawa sa sinabi ko?

 

 

“Hindi ka talaga marunong magsinungaling, Diane.” At patuloy nya ‘kong tinawanan.

 

 

Naramdaman kong uminit ang mukha ko; hindi sa galit o inis, kundi dahil sa hiya.

 

 

“O, kita mo na? Namumula ka. Ibig sabihin, crush mo nga sya,” panunuksong sabi ni Candy. “Ayiiee, crush mo sya, diba?” Sabay kiliti nya sakin sa bewang. Hindi ko alam kung maiinis ako o matutuwa sa ginagawa nya, pero dahil malakas ang kiliti ko sa bewang, hindi ko napigilang hindi makiliti at tumawa. “Umamin ka na kasi!”

 

 

Ano bang aaminin ko?

 

 

“Umamin ka na.”

 

 

Yung Kenneth na may Dennis din pala sa pangalan nya?

 

 

“Umamin ka na, Diane!”

 

 

Yung Kenneth na pinagbasehan ko sa sinusulat kong story?

 

 

“Diane… –“

 

 

“Oo na! Oo na! Crush ko nga sya!” Malakas kong sagot na ikinagulat ni Candy.

 

 

Yan, ah. Umamin na ‘ko. Crush ko si Kenneth Dela Cruz.

 

 

Kailan nagsimula?

 

 

Paano?

 

 

Ewan ko. Hindi ko alam. Bigla ko nalang naramdaman, eh. Masaya ako kapag nakikita ko si Kenneth. Napapangiti ako kapag naiisip ko si Kenneth. Kaya nga kahit maraming tao pa ang nakapalibot sa kanya, nahahanap ko sya kagad. Gusto ko syang nakikita. Kahit na bawal ang hindi nakasuot ng polo, gusto ko syang nakikitang nakasuot ng t-shirt. Ang cute nya kaya kapag naka t-shirt sya. Naaalala ko sa kanya yung bida dun sa nilalarong video game ni kuya. Gusto ko syang nakakausap. O kahit marinig ko lang ang boses nya, masaya na ‘ko. Ah, marinig ko nga lang ang pangalan nya, para ‘kong nabubuhayan ng loob, eh!

 

 

Oo, si Kenneth ang pinagbasehan ko kay Dennis at hindi yung Dennis sa Ghost Frighter. Hindi naman siguro masama na maimagine ko na maging boyfriend ko sya pagtanda namin, diba?

 

 

Napatingin ako kay Candy at nagulat ako ng makita ko syang nakangiti. Kinikilig ba sya? O natatawa na naman sya sakin? Magsasalita na sana ‘ko ng mapansin ko ang mga estudyanteng malapit samin at halos lahat sila ay nakatingin samin at mga nakangiti din. Kinabahan ako bigla. Bakit sila nakangiti? Bakit sila nakatingin samin?

 

 

Hanggang sa may isang batang bumasag sa nakakapangilabot na katahimikan.

 

 

“Ui, may crush sya oh!”

 

 

At nagtuloy tuloy na. Sunod – sunod na silang nagreact.

 

 

“Sino?! Sino?! Sinong may crush?!”

 

 

“Si Diane may crush daw!”

 

 

“Ha?! Talaga?! Sino?!

 

 

“Sino si Diane?!”

 

 

“Sinong crush ni Diane?!”

 

 

Paano nila nalaman yon?! Bakit parang ang lakas naman ng pandinig nila?! Kay Candy ko lang naman sinabi yun, ah!

 

 

Ah, kailangan pa ‘ba akong magtaka don? Kaming mga bata, oras na makarinig kami na may crush ka sa isa pang bata, mas mabilis pa kami sa alas onse kung magreact, kahit hindi ka namin kilala. Alam ko yan, syempre. Ganyan ako, eh.

 

 

Dinumog kami ng iba pang mga bata kahit hindi namin kaibigan. Nagtatanong kung sino ang crush ko. Syempre, hindi ko sasabihin sa kanila no! Ayokong may ibang makaalam ng tungkol sa crush ko. Saka crush lang naman yun, eh. Lahat din naman siguro sila, may mga crush din no.

 

 

At habang nagkakagulo ang mga schoolmates namin kakatanong kung sino ang crush ko, biglang nahagip ng mga mata ko si Kenneth sa dulo ng corridor, malapit sa classroom nila. Syempre, natuwa ako. Si Kenneth kaya yon! Sinalubong sya ng isang kaklase nya at nagtawanan sila. Ah, nakita ko na naman yung ngiti ni Kenneth. Ang cute nya talaga!

 

 

Hay, Kenneth…

 

 

Nagulat ako ng bigla syang napatingin sa banda namin at nagkatinginan kami. Mabilis akong umiwas ng tingin sa kanya; pakiramdam ko kasi, namumula ‘ko. Naramdaman ko din ang mabilis na pagtibok ng puso. Namumula na nga ‘ko at buhay na buhay na naman ako, ngayong nakita ko sya! Ayokong makita ni Kenneth na namumula ako. Baka isipin nya, crush ko sya. Ahh… ano bang pinagsasasabi ko? Crush ko naman talaga sya, eh. Pero hindi na nya kailangang malaman pa yon.

 

 

Pero hindi ko maiwasang hindi tumingin sa kanya. Lalo na nung napansin kong may lumapit sa kanila na babae. Kilala ko yun, eh. Hindi ko pa sya nagiging kaklase pero kilala ko sya sa muka. Ano nga palang pangalan nya ulit? Brittney? Hindi, singer yun, eh. Briana? Bridgette? Parang ganon, eh… Ah, naalala ko na. Bianca. Bianca yung pangalan nya.

 

 

Anong kailangan nya kay Kenneth? At bakit ang saya – saya nya yata?

 

 

“Diane, bumalik na tayo sa classroom. Hindi ata tayo titigilan ng mga ‘to,” bulong ni Candy sakin sabay hawak sa braso ko.

 

 

Tumango ako sa kanya pero dun padin ako kina Kenneth nakatingin. Na-magnet na yata ako sa kanila, eh. Gusto ko kasing malaman kung bakit sila magkasama ni Bianca. Magkaibigan ba sila? Alam kong malapit sya sa mga babae, pero iba yung ngiti ni Bianca, eh.

 

 

Mas lalo ‘kong nagulat nung ngitian ni Kenneth si Bianca. At ibang klaseng ngiti yun, ah. Hindi yung ngiting pangkaibigan lang! Tinging manyak? Hindi, hindi. Sobra naman yun. Hindi naman siguro manyak si Kenneth kahit malapit sya sa mga babae no. Basta iba, eh. Hindi ko masabi kung ano. Basta pakiramdam ko, iba.

 

 

Pero… bakit ganon? Akala ko, ako lang ang nginingitian ni Kenneth ng ganon, eh. Pero bakit pagdating kay Bianca… bakit parang mas espesyal?

 

 

“Oy, si Kenneth at Bianca!” Sigaw nung isang batang kanina lang, eh, nakikichismis samin. Tumingin din ang ibang mga bata kina Kenneth. At sa isang iglap, tinigilan nila ‘ko sa pagtatanong tungkol sa crush ko at narinig ko silang nagsimulang magchismisan tungkol kina Kenneth. Syempre, nacurious ako at nakinig sa mga chismis nila. At saktong sa mga oras na yun, nakita ko si Kenneth at Bianca na sabay umalis. Sabay silang naglakad paalis!

 

 

Teka, saan sila pupunta?!

 

 

Gusto kong sumunod. Gusto kong malaman kung saan sila pupunta. Bakit sila magkasama? Imposibleng maglalaro sila kasama ng ibang mga bata. Sa itsura ni Bianca, hindi sya yung tipo ng bata na pawisin. Kaya naman… bakit? Bakit? Bakit sila magkasama?

 

 

Ah, magkaklase nga pala sila. Diane, ano bang iniisip mo?

 

 

“Totoo siguro yung balita,” sabi nung isa pang bata. Mabilis akong napatingin sa kanya. Balita? Anong balita? Tinignan ko si Candy na may katanungan sa mga mata ‘ko. Alam nya ba yon?

 

 

Umiling sakin si Candy at nagkibit balikat. Ah, wala din syang alam. Ibinaling ko ulit ang atensyon ko sa kanila.

 

 

“Sabi nila, magsyota na daw sila.”

 

 

Natigilan ako. Nagulat. Napanganga. Lahat na. Kahit na hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng salitang magsyota. Narinig ko na yun kina kuya, pero hindi ko pa rin alam kung anong ibig sabihin non.

 

 

“Baka nga magboyfriend – girlfriend na sila. Madalas silang magkasama, eh.”

 

 

Boyfriend? Boyfriend-girlfriend?! Yun ba ang ibig sabihin non?! Sa gantong edad namin, may mga nagsyo-syota na?! Grade 6 palang kami, ah!

 

 

“Oo nga, no. Akala ko, close lang sila, eh. Kaya pala.”

 

 

Pwede ba yun?! Grade 6 palang kami, ah! Kaka – eleven years ko lang din! Paano?! Bakit?! Ang bata pa namin para magboyfriend at girlfriend!

 

 

“Diane….” Narinig kong tawag ni Candy.

 

 

Gusto kong umiyak. Para ‘kong batang inagawan ng laruan. Alam mo yung ganong feeling? Yung gustong – gusto mo yung isang bagay, pero hindi mo nakuha? Oo nga, hindi ko dapat ikinukumpara si Kenneth sa isang laruan. Pero ganun yung feeling, eh. Akala ko…. akala ko merong espesyal samin ni Kenneth… kasi, diba? Binalik nya sakin yung mga chinelas ko nun, eh, nung pinagtripan ako ng mga kaibigan nya. Tapos… tapos… nginingitian nya ‘ko, diba? Kaya nga ‘ko nagka-crush sa kanya, eh. Espesyal yun, diba?

 

 

O baka naman ako lang ang nagisip nun…?

 

– Kismet: Ikaapat na Yugto –

Itutuloy...

4 thoughts on “Ikaapat na Yugto

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.