Ika-anim na Yugto

Art by: Hannerrrdoodles

A/N: This chapter is dedicated to Hannerrrdoodles for the beautiful art she made. Please remember to subscribe, like and comment if you like this chapter. 🙂


[2001]

11 y/o

         “Merry Christmas!” sabay – sabay at masayang bati ng lahat sa isa’t – isa.

         Alas onse y medya na, Christmas Party ng school ngayon at bawat section, may kanya – kanyang party. Sa classroom namin, kakatapos lang naming mag exchange gift. At ang natanggap kong regalo mula sa nakabunot sakin? Picture frame at wala ng iba. Hay… may bago na naman akong idadagdag sa koleksyon ko ng mga picture frame na walang laman. Pangatlong taon ko na ‘tong nakakatanggap ng picture frame, ah.

         Hindi naman sa nagrereklamo ako. Masaya parin naman ako at may natanggap akong regalo. Mas mabuti na ‘to kaysa wala. Masaya ako ngayon dahil Christmas Party at simula na ng bakasyon bukas. Kaya lang…

         “Diane!”

         Napatingin ako kay Candy. Lumapit sya sakin at ibinigay ang hawak nyang plato ng pancit bihon na may shanghai at pack ng Zest-O. Dahil tapos na ang exchange gift namin, nagsimula nadin ang kainan at maiksing intermission na hinanda ng class officers namin.

         “Thank you, Candy,” sabi ko sa kanya pagkaupo nya sa tabi ko.

         Ngumiti naman sya sakin. “Walang anuman. Malakas ka sakin, eh.”

         Natawa din ako sa sinabi nya. “Ah, oo nga pala. Regalo ko sayo,” sabay abot sa kanya ng paper bag na nasa gilid ng upuan ko.

         “Nako, nag-abala ka pa! Pero salamat sa regalo!”

         “Sorry, yan lang ang nabili namin. Dyan lang kasi pumayag si daddy,” sabi ko habang pinapanood ko syang buksan ang regalo ko sa kanya. Hindi naman mamahalin ang regalo ko sa kanya, pero sana magustuhan nya. Maliban sa nabunot ko sa exchange gift namin, binilhan ko din ng mga regalo ang ilang malalapit kong kaibigan.

         At syempre… si Kenneth din. Kahit may girlfriend na sya. Hindi naman siguro masama na bigyan ko sya ng regalo. Magkaibigan naman kami. Kaibigan nya si Chester na kaibigan ko din. Kaibigan nya si Candy na bestfriend ko. Magkaibigan na din kami, diba?

         “Wow, angel!” Angel figurine ang regalo ko sa kanya. Para kasi syang guardian angel ko na laging to the rescue sakin. “Thank you, Diane!” Niyakap nya ko sa tuwa. “Ang ganda nito! Thank you, Diane!”

         Ah, mabuti naman at nagustuhan nya. Napangiti ako.

         “May regalo din ako sayo!” Masayang sabi nya sabay kuha sa regalo nya at binigay sakin. Natuwa ako. Buti nalang, nandyan si Candy! Hindi lang picture frame ang maiuuwi kong regalo ngayong pasko! “Buksan mo na. Gusto kong makita kung anong reaksyon mo.”

         Masaya at excited kong binuksan ang regalo nya sakin na nakapaper bag. Galing sa Blue Magic! Hindi pa ‘ko nakakapunta dun pero ang sabi nila, magaganda ang mga binebenta nila dun, lalo na ang mga stuffed toys. Yun nga lang, may kamahalan.

         “Hourglass?” hindi makapaniwalang tanong ko ng makita ko ang laman ng box. Dalawang maliit na hourglass; isang kulay pink at isang kulay blue. Matagal ko ng gustong magkaron ng hourglass. Ang cute kasi, saka pakiramdam ko, parang ang sopistikada ng dating nila.

         Ngumiti si Candy at tumango.

         “Ang cute! Pero… bakit dalawa?”

         “Ganto kasi yan… –”

         At ikinuwento nya sakin ang storya ng hourglass.


         “Oooh, ang laki pala ng bahay nyo, Diane!” Masayang sambit ni Chester bago mabilis na lumapit sa gate. “Aba, may garden pa pala kayo. Ang laki ng bahay nyo, Diane!”

         Napangiti nalang ako. Alas dos na nga tanghali.

         Pagkatapos ng Christmas Party namin sa school kaninang ala – una, sinundo kami ng driver na si kuya Alex at dumiretso ng bahay kasama ang mga kaibigan ko. ng mga kaibigan ko sa bahay. Mag a-alas dos na rin nung dumating kami sa bahay. Sabi kasi nila daddy, mag-aya daw ako ng mga kaibigan sa bahay para naman daw makilala nila ang mga kaibigan ko. Kakalipat lang kasi namin dito sa village 2 years ago kaya ako nagtransfer sa school naming ngayon. Kaya eto, nag-aya ako ng mga kaibigan ko. Marami akong niyaya, pero sina Chester, Michael, Bryan at Candy lang ang pinayagan ng mga magulang nila.

         “Hoy, Chester. Maghunos dili ka nga. Nakakahiya naman kina Diane,” sabi ni Bryan ng nakakunot ang noo. Strikto yang si Bryan; secretary namin yan sa klase.

         “Okay lang ba talaga na nandito kame, Diane?” tanong naman ni Michael na medyo may pagaalinlangan. “Baka kung anong sabihin ng mga magulang mo, eh.”

         “Okay lang, Michael,” sagot ni Candy para sakin. “Mabait naman si Tito Frederick, kaya okay lang sa kanila. Diba, Diane?” Ngumiti sya sakin.

         “O – oo naman!” nauutal kong sagot.

         “Yun naman pala, eh! Tara, maglaro na tayo ng Playstation!” sagot ni Chester. Kanina nya pa ‘ko niyayayang maglaro ng Dance, Dance Revolution. “Maglalaro ka din diba, Kenneth?”

         Parang tumigil ang mundo ko ng marinig ko ang pangalan ni Kenneth at mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Kanina, nauutal lang ako, pero ngayon, para ‘kong naputulan ng dila.

         Nandito nga din pala si Kenneth. 

         Hindi naman talaga sya kasama sa listahan ng mga inimbita ko, pero niyaya sya ni Chester kanina. Nagulat nga ‘ko nung pumayag si Kenneth, eh. May girlfriend sya, diba? Oo, gusto ko syang imbitahin samin pero dahil may girlfriend nga sya, ang pangit naman ng dating non. Baka isipin ng girlfriend nya, nangaagaw ako. Saka baka isipin ni Kenneth na may crush ako sa kanya…

         “Oo naman,” sagot ni Kenneth. Lumapit sya samin at tumigil sa tabi ko. Hindi lang basta tabi. Sobrang lapit nya sakin at halos magkadikit na ang mga balikat namin.

         Eh…. crush ko nga sya.

         “Basta maglalaro din si Diane, eh.” Napatingin ako sa kanya at nakita kong nakatingin din sya sakin at nakangiti. “Diba, Diane?”

         Muntik nang bumigay ang mga tuhod ko sa kaba. Buti nalang, nasa tabi ko lang din si Candy kaya nakahawak agad ako sa kanya.

         “Diane, tinatawag na tayo ng katulong nyo,” sabi ni Bryan, sabay turo sa katulong namin. Tinanguhan ko nalang sya at naunang pumasok si Chester sa bahay, kasunod sina Bryan at Michael. Naiwan kaming tatlo nina Kenneth at Candy sa labas.

         “Diane, umayos ka,” pangasar na bulong ni Candy sakin. Naramdaman kong uminit ang mga pisngi ko at napatingin ako sa kanya. Nagpipigil ng tawa si Candy. Mukhang nageenjoy pa sya sa nangyayari. “Pasok na ‘ko, ah?” At pagkasabi nya non, sumunod sya at hinabol si Bryan papasok ng bahay.

         “T – teka lang…!”

         “Mayaman pala kayo.”

         Napalunok ako sa narinig ko. Dahan – dahan akong tumingin kay Kenneth at nakita ko syang nakatingin sa bahay. Nung mga oras ding yon, sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko. Kahit hindi parin ako makapaniwala na sumama si Kenneth samin at nandito sya ngayon sa tabi ko.

         “Hindi naman sa mayaman…” mahinang sagot ko, pero alam kong dinig nya. “Hindi kami mayaman, pero hindi rin naman kami mahirap.”

         Tumingin sya sakin. “Para ka palang coke.”

         “Huh? Coke?”

         “Oo. Coke sakto.” At nginitian nya ‘ko ng nakakaloko.

         Natawa din naman ako nung nagets ko yung joke nya.


         “Eto ang kwarto nila mommy, daddy at yung bunso namin. At dito naman ang kwarto ng mga kuya ko.”

         Pagsapit ng alas tres y medya, sinimulan namin ang tour sa bahay. Pagkatapos kasi naming maglaro ng playstation sa baba kanina at magmeryenda, tinanong ako nila Chester kung pwede ko silang ilibot sa bahay.

         “Wow, ang laki…!” namamanghang sabi nina Chester at Michael.

         “Pati banyo, ang laki…” sagot naman ni Bryan. “Candy, nakapunta ka na dito bago ngayon?”

         “Hindi pa. Ngayon pa lang.”

         Hinayaan ko nalang silang pumunta at icheck kung anong gusto nilang icheck. Masaya ako at mukha naming nageenjoy sila sa pagpunta nila dito sa bahay. Pero maliban sa kanila, mas nakatuon ang atensyon ko kay Kenneth at alam ni Candy yun. Kaya nga sya ang nagaasikaso kina Chester at sumasagot sa mga tanong nila. Pero syempre, kahit nakatuon ang atensyon ko sa kanya, hindi ko masyadong pinapahalata sa kanila na mas pinagtutuunan ko sya ng pansin.

         Pinagmasdan ko si Kenneth na nakatingin sa bookshelf naming na puno ng mga encyclopedia at iba pang mga libro. Mahilig kaya syang magbasa? Anong klase ng mga libro ang hilig nyang basahin? Alam nya kaya na hilig kong magsulat ng mga storya? Kung alam nya kayang mahilig akong magsulat, basahin nya kaya ang mga sinulat ko?

         “Diane, kaninong kwarto ‘to?” tanong ni Bryan sakin. Napatingin ako sa kanya at nakita ko silang nakatayo sa labas ng kwarto ko.

         “Kwarto ko yan.”

         “Ikaw lang ang natutulog dito?” tanong ni Michael. Tumango ako.

         “Pwedeng pumasok?” tanong ni Chester. Pero bago pa ‘ko makasagot, pumasok na sya sa kwarto ko at sumunod naman sina Michael at Bryan. Papasok na din sana si Candy pero napansin nya yata si Kenneth na nakatayo lang sa labas ng kwarto ko. Hindi ba sya papasok?

         “Kenneth, hindi ka ba papasok sa kwarto ni Diane?” tanong ni Candy sa kanya.

         Umiling si Kenneth. “Hihintayin ko nalang kayo dito sa labas.”

         Hindi sya papasok?

         “Ha? Bakit naman? Titignan lang naman natin kung anong itsura ng kwarto nya,” dagdag ni Candy.

         “Hindi na kailangan. Respeto ko na kay Diane yon.” Tumingin sakin si Kenneth at ngumiti. Naramdaman ko na namang uminit ang pisngi ko kaya napayuko ako agad.

         “Naks, gentleman, ah!” komento ni Chester sabay akbay kay Kenneth. “Sino ka, ha? Nasan ang bestfriend kong bastos? Anong klase ng mabuting espirito ang sumapi sayo?”

         “Sira. Mabait talaga ‘ko!” sagot ni Kenneth. At narinig ko silang nagtawanan.

         Kinutusan sya sa ulo ni Chester habang masaya silang nagaasaran at tawanan. Napatingin ako kay Kenneth. Yung ngiti nya… yung nakikita ko syang masaya at nageenjoy… gustong – gusto kong nakikita yon. Natutuwa ako kapag nakikita ko syang masaya. Kahit sino pa ang kasama nya. Kahit si Bianca pa. Basta masaya si Kenneth, masaya na rin ako.

         Pero mas okay sana kung makikita kong masaya si Kenneth ng dahil sakin. Ahh… darating kaya ang araw na yon?

         “Teka, teka, teka nga! Magpicture naman tayo! Para may souvenir!” suhestiyon ni Bryan sabay labas ng camera nya. “Tara dito, picture! Dun tayo sa terrace nila Diane!”

         Sumunod naman kaming lahat sa kanya sa terrace. Pagdating namin sa terrace, sinabi samin ni Bryan kung saan kami pepwesto. Tinawag nya din ang katulong namin para kuhanan kaming lahat ng letrato. Nakailang letrato din kami dahil nageenjoy ang lahat sa pagposing, pero sa bawat picture na yon, hindi ko magawang lumapit kay Kenneth dahil laging dumidikit sina Chester at Michael sa kanya. Laging umuupo si Chester sa gitna namin ni Kenneth.  Binabakuran ba nya si Kenneth?

         Ahh… pero kahit na. Selfish na kung selfish. Masama na kung masama, pero… 

         “Oh, ngiti, ah!” Narinig kong sabi ng katulong namin kaya dali – daling pumwesto ang lahat. Magkatabi kami ni Candy sa upuan, pumose sina Michael at Bryan sa likod namin, habang nakaupo sa kabilang dulo si Kenneth at pumagitna samin si Chester.

         Please… kahit isang beses lang…

         “1….2…”

         Please, kahit isang beses at sa letrato lang, gusto kong makatabi si Kenneth!

         “3…!”

         Bago pa kami mapicturan ng katulong namin, nahulog si Chester sa upuan, tinulak ako ni Candy at naramdaman kong may umakbay sa balikat ko.


         Alas singko na ng hapon at isa – isa na naming inihatid sa bahay nila ang mga kaibigan ko. Nauna naming ibaba sina Chester at Michael dahil halos magkapitbahay lang sila dahil pareho sila ng village. Sumunod si Bryan na kakahatid nalang namin, at ngayon, si Candy at Kenneth nalang ang natitira. Parehas kasi ang village nila at sila ang pinakamalayo. Magkatabi kami ni Candy sa likod habang nakaupo naman sa harap si Kenneth, katabi ng driver. 

         “Kawawang Chester. Nahulog sa upuan,” sabi ni Candy. Tumawa si Kenneth.

         Oo nga pala. Nahulog si Chester sa upuan kanina. Tinulak ako ni Candy at…

         “Pero in fairness sayo, Kenneth, ah. Nakaakbay ka kay Diane,” sabi ni Candy. Napatingin ako kay Kenneth. Nung nakita ko syang tumingin sakin sa rearview mirror, umiwas ako ng tingin. Alam kong namumula ako sa hiya non at ayokong makita nya yon.

         Dahil sa nangyari kanina, napicturan kami ng di lang magkatabi, ah. Nakaakbay pa si Kenneth sakin!

         “Nagulat ako. Bigla nalang nahulog si Chester,” casual na sagot ni Kenneth.

         “Nangaakbay ka pala kapag nagugulat?” pangaasar ni Candy. “Diba, Diane?” nginitian nya ‘ko. Mas lalo tuloy akong namula. “Nako, ah. Baka magselos ang girlfriend mo pag makita nya yung picture nyo ni Diane.”

         Ah… oo nga pala. Kahit na sinabi kong gusto kong makasama si Kenneth kahit sa picture lang… dun lang ako nakaramdam ng hiya at kaba. Isa si Bianca sa mga pinakamagandang babae sa batch namin, eh. Anong panama ko sa isang tulad nya?

         Pero hindi sumagot si Kenneth. Tahimik lang sya at parang nagiba ata ang ihip ng hangin nung mabanggit ni Candy si Bianca. Nagtinginan kami ni Candy. May problema kaya sila ni Bianca?

         “Kuya, dito nalang ako,” biglang sabi ni Kenneth. Huh? Bababa na sya dito? Eh nasa labas palang kami ng village!

         Nang tumigil si kuya driver sa gilid, agad na lumabas si Kenneth ng kotse. Nagpasalamat lang sya kay kuya driver at naglakad paalis. Napakibit balikat lang si Candy; hindi namin alam kung anong nangyari sa kanya at biglang nagiba ang kilos nya. Okay naman kami kanina. Maayos naman kaming naguusap – usap… nagtatawanan pa nga kami, eh! Sinenyasan ako ni Candy na sundan sya at yun na nga ang ginawa ko.

         “Kenneth!” Tawag ko sa kanya pagkababa ko ng kotse. Tumigil sya sa paglalakad at tumakbo naman ako papalapit sa kanya.

         “May kailangan ka?”

         “S – Sorry…” yun lang ang nasabi ko dahil naghahabol ako ng hininga. Saglit lang akong tumakbo, pero pakiramdam ko, ilang milya ang tinakbo ko. Phew, kulang na talaga ‘ko sa exercise.

         “Bakit?”

         Ahh… bakit nga ba ‘ko nagsosorry? Sorry kasi… hindi mo kasama si Bianca? Dahil nabanggit sya ni Candy? O sorry dahil sinamantala ko ang pagkakataon na wala siya?

         “W – Wala… gusto ko lang… gusto ko lang magsorry…”

         Tinawanan nya ‘ko. “Sira,” sagot nya. Napatingin ako sa kanya.

         Tumatawa naman si Kenneth pero… bakit parang ang lungkot nya parin?

         “Bumalik ka na sa kotse nyo. Uuwi na ‘ko.” 

         Maglalakad na sana sya paalis pero hinawakan ko ang kamay nya para pigilan sya. Natigilan sya at nanlaki ang mga mata ko sa gulat ng marealize ko kung ano ang ginawa ko.

         “S – Sorry…!” at agad kong binitawan ang mga kamay nya habang pinipigilan ang sarili kong wag mamula. Tumingin ako sa baba para iwasan ang tingin nya at kahit na nakatitig ako sa baba, ramdam ko at alam kong tinignan nya ‘ko. Bakit ko ba kasi sya pinigilan? Hinawakan ko pa ang mga kamay nya.

         Bigla kong naalala yung regalo ko para sa kanya. Tumakbo ako pabalik sa kotse para kunin yung gift bag at ibinigay sa kanya. 

         “Ano ‘to?”

         “C – Christmas gift ko yan! N – nireregaluhan ko talaga ang mga kaibigan ko.”

         “Iba talaga pag mayaman,” panunukso nya. Napaismid ako. “Salamat, pero ibigay mo nalang ‘to sa iba,” sabay balik sakin ng regalo ko.

         “H – Ha? Bakit? Eh, para sayo nga ‘to!” Naguguluhan kong tanong sa kanya. Magagalit ba si Bianca kapag tumanggap sya ng regalo mula sa ibang babae? “Hindi naman siguro magagalit si Bianca…—” napatigil ako ng bigla syang tumingin ng diretso sakin na para bang gusto nyang sabihin na wag ko ng ituloy.

         Ahh… siguro nga, may problema silang dalawa. Kaya sya sumama samin sa bahay nung inimbita sya ni Chester.

         “Wala na kami non,” casual na naman nyang sagot. Yung tipong parang walang nangyari at parang wala lang sa kanya. 

         Kaya ba hindi ko na sila nakikitang magkasama nung mga nakalipas na araw kase wala na sila? Kailan pa? Gaano na katagal?

         “Kaya wag mo nang… — huh?! Bakit ka umiiyak, Diane?!”

         “H – ha?” Nagulat ako sa tanong nya. Naramdaman ko din ang pagpatak ng luha ko sa kamay ko. Kailan ako nagsimulang umiyak?

         “Bakit ka umiiyak? Aahh…” naguguluhan nyang tanong. 

         Kenneth, masakit ba? Nalulungkot ka ba dahil break na kayo ni Bianca?

         Pupunasan ko na sana ang sarili ko nagulat ako ng bigla syang lumapit sakin at pinunasan luha ko.

         “Sorry. Wala akong dalang panyo, eh.”

         Kahit may panyo o wala, talaga bang nangyayari ang lahat ng ‘to ngayon? Pinunasan nya ang mga luha ko? Akala ko… sa mga telenobela lang nangyayari ang mga ganitong bagay.

         “Ibang klase ka din no? Bigla – bigla ka nalang umiiyak.” 

         “A – Ayaw mo kasi….” napahikbi ako. “Ayaw mo kasing tanggapin… yung regalo ko…” sabi ko nalang, kahit na nalulungkot ako para sa kanya.

         Tinawanan na naman nya ‘ko, sabay gulo sa buhok ko. “Umiyak ka na dahil don?” Tumango ako sa kanya. “Ayoko ng tumanggap ng isa pang regalo sayo dahil wala naman akong regalo sayo.”

         Isa pa? May ibinigay na ba ‘kong regalo sa kanya?

         “Sayo galing ‘to, hindi ba?” tanong nya sabay labas ng hourglass na kulay blue, katulad ng ibinigay sakin ni Candy kanina. Nanlaki ang mga mata ko at napatingin ako kay Candy, pero nginitian nya lang ako. “Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong gagawin ko dito sa hourglass na ‘to… –”

         Sabi ni Candy, ibigay ko daw yung isa sa taong gusto ko. Kapag tinanggap nya, magkakagusto sya sakin. Pero kung hindi, tatanda daw akong magisa. Marami na daw magkasintahan ang nagkatuluyan dahil sa hourglass na yon, sabi sa kanya nung saleslady sa Blue Magic, pero feeling ko, sinabi lang yon para bumili sya, eh. Pero wala namang masama kung ibibigay ko sa kanya at iexpect na baka sakaling totoo nga yung sinasabi ng saleslady, diba? Naniniwala naman ako sa FLAMES, eh. Baka sakaling totoo nga na magkagusto sya sa akin kapag tinanggap nya yung hourglass. 

         Ahh… sinong niloloko ko? 

         “Itapon mo,” sabi ko sa kanya. Imposible namang magkagusto sakin si Kenneth. Kahit break na sila ni Bianca, asa naman akong magka crush din sya sakin.

         “Ha?”

         “Itapon mo sa basura, sunugin mo, ipakain mo sa aso nyo o ano, bahala ka na!” sagot ko sa kanya. Nakita kong nagulat sya sa sagot ko, pero bahala na. “Gawin mo kung anong gusto mong gawin dyan at dito.” Binigay ko ulit sa kanya ang gift bag at sapilitang inilagay sa kamay nya bago tumingin sa gilid. “Basta tanggapin mo lang ngayon…”

         Ahh… ano bang ginagawa ko? Mukha tuloy akong kawawa. Pakiramdam ko, pinipilit ko ang sarili ko kay Kenneth.

         “Ibang klase ka talaga, Diane Fuentebella,” tinawanan nya ‘ko ulit.

         Yun ang unang beses na sinabi nya ang buong pangalan ko. Oo, naging magkaklase kami at nagkakausap paminsan – minsan, pero hindi ko akalain na alam nya ang buong pangalan ko. Pakiramdam ko tuloy, ang espesyal ng pangalan ko. Kahit na marami akong kapangalan sa mundo.

         “Salamat sa mga regalo.”

         “W – Walang anuman…” tumango ako sa kanya.

         “Bumalik ka na sa kotse, hinihintay ka na ni Candy at ng driver nyo.”

         “S – Sige,” tumango ako ulit.

         Ngumiti sya sakin. “Hintayin mo din ang tawag ko mamaya.”

         “Sige…” tumango ako ulit. 

         “Bye, Diane,” paalam nya sabay takbo palayo.

         Teka…  Hintayin ang tawag? Tatawag si Kenneth? Paano sya tatawag, eh hindi naman nya alam ang number namin sa bahay?

– Kismet: Ika-anim na Yugto –

Itutuloy…


5 thoughts on “Ika-anim na Yugto

  1. Kaloka! Nakakapressure yung gift na hourglass ah! Hahaha pero iba pa din dumamoves si Kenneth. That’s my boiii #TeamDELACRUZ

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.