A/N: Please like, subscribe and comment kung nagustuhan mo ang episode na ‘to. 🙂


 

[ 2001 ]

(11)

 

Manga at Bagoong.

 

Champorado at itlog.

 

Pandesal at bihon.

 

Perfect combination. Para silang pinagbiyak na bunga, oh. Tignan mo nga naman. Hindi na sila mapaghiwalay.

 

Ngitian.

 

Matatamis na tinginan..

 

Hawakan ng kamay…

 

Leche.

 

“Diane?!” Gulat na gulat na tawag sakin ni Candy. Tumingin ako sa kanya at mabilis syang lumapit sakin. Gulat na gulat ang itsura nya at halata din ang pagaalala. “Anong sinabi mo?”

 

Ano nga bang sinabi ko? Ah… oo nga pala.

 

Leche.

 

Sinabi ko pala ng malakas yun? Hindi ko matandaan.

 

Umupo si Candy sa harap ko. “Diane, nakalimutan mo na ba? Don’t say bad words. Bad yun,” paalala nya sakin.

 

Hindi naman talaga ako nagmumura. Ang totoo nga nyan, naiiyak ako sa tuwing naiisip kong magmura. Pakiramdam ko kasi, iiyak ang guardian angel ko kapag nagmura ako, eh. At baka tamaan ako ng kidlat dahil nagagalit si Lord sakin. Hindi naman mura ang leche, diba? Sa pagkakaalam ko, spanish word ng gatas ang leche, kaya hindi considered na mura yun.

 

Ah, ano bang pinagsasasabi ko? Alam ko sa sarili ko na gusto ko talagang magmura. Gusto ko silang murahin dahil ang bigat – bigat ng pakiramdam ko. Gusto kong maramdaman nila ang nararamdaman ko sa lutong ng mura ko. Pinipigilan lang talaga ako ng konsensya ko dahil naaawa ako sa anghel ko.

 

Hindi nalang ako sumagot. Napabuntong – hininga at sumandal sa upuan ko. Ayan, hindi na rin ako nakapalumbaba habang nakatingin sa kawalan, ah. Kasalukuyan kaming nasa classroom at lunch break namin. At dahil lunch break namin ngayon, ginagawa ko na naman ang tila naging bagong paboritong past time ko.

 

Sinundan ni Candy ng tingin yung tinitignan ko. Napabuntong – hiningi nalang din sya.  “Oh, tinitignan mo na naman ba sila? Masokista ka ba talaga, Diane?”

 

Mula sa classroom namin, matatanaw ang classroom nila Kenneth kaya naman nakikita ko kung ano ang mga nangyayari sa kanila sa loob. Wala naman talaga akong pakialam dun, kasi si Kenneth lang naman ang pinagtutuunan ko ng pansin. Sya at yung syota… ay, hindi pala magandang pakinggan yung syota kasi pinaiksing “short time” yun. At hindi nga pala “syota” lang si Bianca. Girlfriend. Girlfriend! Tatlong linggo na silang magkarelasyon at mukhang tatagal pa ata.

 

Tatlong linggo.

 

Tatlong linggo ko na din silang tinatanaw mula sa malayo. Masokista na nga ata talaga ako, eh. Yon, o sadyang stalker lang talaga ako.

 

“Diane…”

 

“Hindi ko maiwasan, Candy. Kahit na nagsasawa na nga ako sa mukha nila, eh. Pero hindi ko mapigilang hindi sila tignan.”

 

Hay… naniniwala na ‘ko sa sinasabi nila. Kapag tinamaan ka daw ng pagibig, mahirap kumawala. Oo, crush ko si Kenneth noon. Pero habang tumatagal at kahit na alam kong may girlfriend na sya, parang mas lalo pa atang lumalakas yung nararamdaman ko para sa kanya. Nakakaasar nga, eh. Kahit na gusto kong burahin nalang ang lahat ng yun, hindi ko magawa. Kasi habang mas pinipilit ko na burahin ‘tong feelings ko para kay Kenneth, parang mas lalo pang nagiging mahirap kasi palagi ‘kong naiisip.

 

“Puppy love lang yan, Diane. Makakalimutan mo din si Kenneth,” sabi ni Candy. Sana nga, ganon lang kadaling kalimutan yun. Sana nga, puppy love lang.

 

Pero pano kung hindi?

 

Eh kahit saan kasi ako tumingin, nakikita ko si Kenneth. Kahit anong gawin ko, naalala ko si Kenneth. Ultimo pagususulat ko, apektado na dahil si Kenneth ang pinagbasehan ko kay Dennis. Kahit maglaro ako ng garter games, si Kenneth padin ang naiisip ko dahil sya ang laging devil namin kapag naglalaro kami noon at ako ang angel. Kahit na maglaro din ako ng video games, muka padin ni Kenneth ang nakikita ko sa mga bida.

 

Ai isa pa! Sa tuwing isusuot ko ang tsinelas ko, muka nya din ang naaalala ko dahil sya ang nagbalik sakin ng mga tsinelas ko nang pagtripan ako ng mga kaibigan nya. At sa tuwing nakikita ko sila ni Bianca, iniisip ko na sana ako nalang ang girlfriend nya. Naiinggit ako kasi si Bianca ang girlfriend nya! Ang sama – sama ko na nga, eh.

 

Kaya paano? Paano ko kakalimutan si Kenneth? Paano??

 

Ang OA ko na.

 

“Ganito nalang ang gawin natin. Magisip ka ng mga bagay na nakakainis kay Kenneth,” suhestiyon ni Candy. Huh? Magisip ng nakakainis kay Kenneth? “Ano, may naisip ka ba?”

 

“Wala, eh. Ang hirap mainis kay Kenneth. Lahat sa kanya, perpekto.” Totoo naman yun, eh. Wala akong maisip na dahilan para kainisan si Kenneth. Kahit na may girlfriend na sya. At kahit ang sakit – sakit at ang bigat – bigat sa pakiramdan na makita silang magkasama ni Bianca.

 

“Hindi, hindi, hindi,” saway nya at with matching wagayway ng mga kamay nya. Lumipat ng upuan si Candy at tumabi sakin sabay tingin ng diretso sa mga mata ko. “Mali yan. Kaya mo lang nasasabi yan kasi crush mo pa sya.”

 

“Ganun ba yun?”

 

“Oo, ganon yon. Ngayon imaginin mo si Kenneth na mabaho dahil hindi naliligo…—”

 

“Ha? T – teka, Candy…”

 

“At amoy paa. Amoy araw at may buni… —”

 

“T – teka lang…”

 

“Imaginin mo sya na madungis! Sira – sira ang damit! At bungi!”

 

Napanganga ako. Si Kenneth ba talaga ang iniisip ni Candy?

 

“Candy, sandali! Taong – grasa na yata yang sinasabi mo, eh!”

 

Tinawanan nya ko. “Medyo,” at sabay tawa ulit.

 

Napailing nalang ako. Ibang klase din ‘tong best friend ko, eh. Kung sabagay, hindi naman kami magiging magbest friend kung wala din syang bahid ng pagkawirdo.

 

Hay… ah, basta. Kailangang matanggal ko na sa sistema ko si Kenneth. Hindi pwedeng lagi nalang ako nakatanga dito habang pinagmamasdan silang masaya. At hindi rin pwedeng matigil ang pagsusulat ko dahil lang apektado ako sa kanila. Hindi dapat tumigil ang buhay ni Diane Fuentebella dahil lang may girlfriend na si Kenneth Dennis Dela Cruz!

 

Puppy love lang yan, Diane. Hindi pa katapusan ng mundo. Makakahanap ka pa ng ibang pwedeng maging crush. Magtiwala ka lang.

 

“Simula ngayon… kakalimutan ko na sila. Hindi ko na sila titignan at iimaginin ko sila na mga kabute na tinubuan ng muka.”

 

“Ha? Ang… ang weird nun, ah…” komento ni Candy. Pero hindi ko na pinansin. Sayang ang speech na nasa isip ko.

 

“Hindi na ‘ko magpapapaapekto sa kanya kahit anong mangyari. Hindi na ko ngingiti. Hindi na ko kikiligin. At lalong – lalo na, hinding – hindi ko na sya kakausapin!” Tumayo ako mula sa upuan ko at pumamewang. Paninindigan ko ang lahat ng sinabi ko. “Ako si Diane Fuentebella! At hindi ko hahayaang tumigil ang mundo ko dahilsa kanya!”

 

“Tama!” masayang sambit ni Candy sabay palakpak.

 

Kaya ko ‘to. Puppy love lang ‘to. Puppy love lang. Kaya kong makalimutan si Kenneth. Isa lang syang kabute na tinubuan ng mukha. Magiging okay din ang lahat.

 

“Kenneth!” narinig kong tawag ng kaklase kong si Chester. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ko si Kenneth na nakatayo sa pinto ng classroom namin. Natigilan ako. Natameme. Nanlambot yung mga tuhod ko. Nablanko ang utak ko ng makita ko syang gwapong nakatayo sa pintuan namin at nakapamulsa pa! Paanong nakatayo na sya sa pintuan namin eh samantalang kanina lang, kasama nya pa si Bianca?!

 

“Best friend!” Masaya nyang tawag kay Chester nung lapitan sya nito. Tapos nagusap sila.

 

Bestfriend?! Kailan pa sila naging mag best friend ni Chester?! Kaibigan ko si Chester, kaya hindi pwedeng magbest friend sila ni Kenneth!

 

“Oi, Diane!” biglang tawag ni Chester at kumaway sakin. Nakita kong tumingin si Kenneth sakin. Mas lalo ‘kong nanlambot. Diane, anong ginagawa mo? Bakit ka nanlalambot sa titig ni Kenneth?! Diba sabi mo, paninindigan mo ang sinabi mong hindi ka na magpapaapekto kay Kenneth?!

 

Lumapit samin si Chester at sumunod si Kenneth sa kanya. Napaatras ako sa kinatatayuan ko at muntik ng sumadsad sa upuan ko. Buti nalang, mabilis akong nahawakan ni Candy kaya hindi ako natumba. Naramdaman kong bumilis ang tibok ng puso ko. Ilang metro lang ang layo ni Kenneth sakin at si Chester lang ang nakaharang saming dalawa. Napansin ko din na nakatingin lang sakin si Kenneth at pinipigilan ang tawa. Pinagtatawanan ba ‘ko nito?

 

Umiwas ako ng tingin sa kanya. Yung tipong kunyari, wala sya dun at kaming tatlo lang ni Candy at Chester ang present.

 

“Diane, eto na nga pala yung ambag ko sa paluwagan natin,” at sabay abot ni Chester ng bente pesos sakin.

 

Oo nga pala. Ako nga pala ang tagakolekta ng pera sa paluwagan namin. At hindi pa nagaambag si Chester ngayong linggo. Pero tignan mo nga naman ang pagkakataon, oh. Bakit ngayon pa nya naisipang magambag, kung kelan nandyan si Kenneth?

 

At bakit ba nakatingin sakin si Kenneth? May dumi ba sa muka ko?

 

“Hui, Diane,” tawag ni Chester. Siniko nadin ako ni Candy kaya napatingin ako kay Chester. Pero dahil kasunod nya si Kenneth, hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa kanya. “Eto na yung bente.”

 

“A – Ah… s – sige, s – Salamat.” Nauutal pa ko nun, sabay abot sa bente pesos nya. Umupo ako ulit sa upuan ko at hinanap ang notebook ko sa bag. Napansin ko si Chester na napakamot nalang sa ulo nya. Nawindang siguro sakin. Kahit magkaibigan kami, hindi nya alam na crush ko ang tumawag sa kanya na “best friend”. Pero teka, bakit nga ba hindi ko alam na magbest friend sila? Bakit hindi sinabi sakin ni Chester yun? Diba, magkaibigan kami?

 

Abala ko sa paghuhukay sa bag ko para lang maiwasang tignan si Kenneth. Pero nung tinawag ako ni Candy, nagulat ako ng biglang umupo si Kenneth sa mesa  ko. Inabot nya yung notebook ko na may nakasulat na “paluwagan” at binuksan ang mga pahina nito. “Naks, ang ganda pala ng sulat mo,” sabi nya sakin, samantalang ako, gulat na gulat padin sa nangyayari at hindi makapagsalita. Kenneth, anong ginagawa mo?!

 

“Diane.”

 

Napatingin ako sa kanya at medyo napanganga. Ibang – iba ang pakiramdam kapag tinatawag ni Kenneth ang pangalan ko. Para ‘kong… para ‘kong lumilipad.

 

Tumawa si Kenneth. “Ako na ang maglilista dito ng ambag ni Chester. Pahiram ng ballpen.” Ah, ang cute nyang tumawa sa malayo pero mas cute sya kapag ganitong kalapit. Hindi ko nagawang sumagot. Hindi padin ako makapaniwala na ganto kalapit sakin si Kenneth ngayon. Tumataas ang mga balahibo ko at pakiramdam ko, para akong kinukuryente. Naaamoy ko din yung pabango nya.

 

Nung mga panahon na yun, parang tumigil ang mundo ko.

 

Pero mas lalo akong nagulat nung ilapit nya yung muka nya sa muka ko. Yung sobrang lapit na kulang nalang, eh, mag… mag… magkiss kami! Ahh, ano bang pinagsasasabi ko?! Ano ‘tong pinagiiisip ko?! Ilang segundo lang yun, pero pakiramdam ko, tumigil na pati ang oras ko!

 

“Pahiram ng ballpen.” Nginitian nya ‘ko at inabot ang ballpen na nasa bag ko. Pagkatapos, nagsulat na sya sa notebook ko. “Yan, nakalista na,” sabay tayo at inabot nya sakin ang notebook at ballpen ko.

 

Dun palang ako natauhan. Yumuko ako para umiwas ng tingin sa kanya at inabot ko ang notebook at ballpen ko. “S – Salamat…” niyakap ko yung notebook ko, ang bilis kasi ng tibok ng puso ko na pakiramdam ko, bigla nalang tatalon palabas ng katawan ko. Pagkatapos nun, narinig ko si Chester na niyaya syang magpunta sa canteen. Nakayuko padin ako, pero nakita ko silang naglalakad paalis. Bumulong sakin si Candy at tinatanong kung okay lang daw ba ‘ko, pero hindi ko padin magawang sumagot. Pinoproseso pa ng utak ko ang lahat ng nangyari, eh.

 

Bakit kaya yun ginawa ni Kenneth? May girlfriend sya, diba?

 

“Diane.”

 

Napatingin ako sa taong tumawag sakin na alam kong si Kenneth. Sa lahat ng tumawag sa pangalan ko, nangingibabaw at ibang – iba ang dating ng boses ni Kenneth. “Salo!” May binato sya sakin na madali ko ding nasalo. “Para sayo yan,” wika nya, bago tuluyang lumabas ng classroom kasama si Chester.

 

Tinignan ko kung ano yung binato nya sakin.

 

Isang Judge na bubblegum.

 

Napangiti ako. Ito ang unang beses na may binigay sakin si Kenneth. Kahit sa isang simpleng bubblegum lang na mula sa kanya, sobrang saya ko na.

 

Kaya naman nung mga oras na yun, hindi ko na napigilang hindi maisip na sana balang araw, ibato nya din sakin ang feelings nya.

 

At kapag nangyari yun, sasaluhin ko yun ng buong – buo.

 

– Kismet: Ikalimang Yugto –

Itutuloy...

3 thoughts on “Ikalimang Yugto

  1. Dapat ang title ng chapter na ‘to ay: “…kapag tumibok amg puso, wala ka nang magagawa kundi sundin ito! sharamdaram..” 😀 Lol

    Liked by 1 person

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.